KUMBINSIDO si House Committee on Good Government and Public Accountability Vice Chairperson at Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop na maaaring sampahan ng kasong plunder si Vice President Sara Duterte bunsod ng irregularidad sa paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“Let me remind the public of what is at stake here – it would constitute graft and corruption if public funds are misused or misappropriated or worse, if funds are diverted for personal use or benefit. And given the amount we are talking about here, this is clearly plunder,” bungad ni Acop sa pagdinig ng komite.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng komite, lumalabas na pinamudmod ni VP Sara ang mga confidential fund na inilaan ng Kongreso sa OVP at DepEd na dating pinamunuan ng pangalawang pangulo.
Para kay Acop, malinaw na nilabag ni VP Sara ang Commission on Audit-Department of Budget and Management Joint Circular No. 2015-01 na nagtatakda ng mahigpit na dokumentasyon at malinaw na pananagutan para sa mga confidential at intelligence fund.
Partikular na tinukoy din ng kongresista ang bultuhang cheque encashment ng confidential funds na ipinasa mga security officers na nakatalaga sa bise-presidente.
Sa OVP, in-encash ni Special Disbursing Officer Gina Acosta ang P125 million kada quarter sa pagitan ng huling bahagi ng 2022 at 2023, habang si SDO Edward Fajarda ang nag-encash ng P37.5 milyon kada quarter para sa DepEd.
“Malalaking halaga po ang mga ito. Sa OVP pa lang, nakakakuha sila ng P125 million kada quarter simula noong Q4 of 2022 hanggang Q3 of 2023. Sa DepEd naman, P37.5 million per quarter for three quarters, or a total of P112.5 million,” saad pa ni Acop.
Kapwa inamin ng mga SDO na natatapos ang kanilang trabaho sa oras na naipasa na ang mga pondo sa mga security officers, nang walang anumang pangangasiwa o dokumentasyon kung paano ginamit ang mga pondo.
“Wala po akong alam sa pag-implement po ng confidential activities po dahil po hindi ko po iyan in line sa aking pinag-aralan,” ayon sa pag-amin ni Acosta sa testimonya.
Gayundin si Fajardo na sinabing, “Your Honor, hindi po kasi ako ang expert diyan, si Colonel Nolasco po. Siya po kasi ang gumawa niyan.”
Binanggit din ni Acop ang irregularidad sa mga acknowledgment receipts na isinusimite bilang bahagi ng liquidation report.
“Tila sadya tayong nililito, nililigaw at pinapagulo ang narrative sa kung ano ba talaga ang nangyari sa OVP at DepEd Confidential Funds,” aniya pa.
Pinuna rin ni Acop ang pagsandal ni ng bise-presidente sa mga confidential funds maging sa panahon ng panunungkulan bilang alkalde ng lungsod ng Davao.
“Mula sa Davao City na lumaki nang lumaki noong siya’y mayor, hanggang sa mas malaking pondong napasakamay niya bilang Vice President at DepEd Secretary,” ayon pa sa kongresista.
Sa laki aniya ng halaga, pasok ang asunto sa kategorya ng plunder. (Romeo Allan Butuyan II)
