
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUMBINSIDO ang liderato ng Kamara na nasa tamang direksyon ang Pilipinas sa aspeto at programang naglalayong paunlarin ang ekonomiya ng bansa.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni House Speaker Martin Romualdez ang gradong A– ng Japan-based Rating and Information Inc., na aniya’y nagbibigay inspirasyon sa pamahalaan para mas paigtingin ang mga inilatag na programa at polisiya sa ekonomiya.
Kung isasalin aniya sa simpleng terminolohiya ang iginawad na credit rating, lumalabas na tama ang credit upgrade na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na una nang nagsabing lumago sa second quarter ng kasalukuyang taon ang ekonomiya ng bansa sa antas na 6.3 percent.
Bukod sa Japan-based Rating and Information Inc., gayundin ang obserbasyon ng iba pang multilateral lending institutions – ang 5.9 hangang 6.2 percent full-year growth forecast sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
“I am confident that we can attain these numbers. Pero gaya ng sinabi ko na, dapat maramdaman ng ating mga kababayan ang paglago ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng tulong at malaking pondo para sa edukasyon, kalusugan, sa kanilang mga pangangailangan, at iba pang assistance,” diin ng Leyte lawmaker.
Garantiya ng pinuno ng 300-plus strong House of Representatives, patuloy na susuportahan ang economic at prosperity agenda ng administrasyon sa bisa ng batas na nakatuon sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Umaasa din ang lider ng Kamara na mababawasan ang borrowing cost at mas mababang interes sa bisa ng credit rating upgrade.
“The money we can save in the national budget for interest payments we can use for more financial assistance to our people. Isang paraan ‘yan para maramdaman nila ang economic growth.”