BANTULOT ang malaking bahagi ng mga overseas Filipino workers na lisanin ang Lebanon sa kabila pa ng masidhing panawagan ng pamahalaan sa gitna ng muling pagputok ng tensyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Katwiran ng mga OFWs, wala naman anilang trabahong dadatnan sa Pilipinas.
Sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 738 na OFWs pa lang ang nagpahayag ng pagnanais na bumalik sa Pilipinas para tiyakin ang kaligtasan – sa kabila pa ng garantiya ng OWWA sa kahandaan ng ahensya para sa repatriation ng libo-libong Pinoy sa naturang bansa.
“Yung iba nagbabago ng isip eh, dahil hindi pa nila talaga nararamdaman na meron talagang matinding tawag ng sitwasyon na sila ay umuwi,” ani OWWA Administrator Ignacio.
Para naman kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, hindi na bago sa pamahalaan ang pagtanggi ng mga OFWs na lisanin ang bansang pinagtatrabahuhan lalo pa’t wala pa di umano silang naramdaman giyera at bombahan.
“Saka lamang hihingi ng repatriation ang mga yan kapag nakitang wala nang peace and order katulad ng nangyari sa Gaza.”
