
Ni ESTONG REYES
SA pagsambulat ng impormasyon hinggil sa pagpasok ng tumataginting na P6 bilyong ginamit sa pagpapatayo ng malawak na pasilidad kung saan sumentro ang operasyon ng scam farm sa bayan ng Bamban, kinalampag ng isang senador ang kapabayaan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaya namayagpag ang sindikato.
Sa isang pahayag, inamin din ni Senador Sherwin Gatchalian na tinangka ng isang AMLC official na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan para ipaliwanag ang kanilang panig sa naturang bulilyaso.
“Sa totoo lang itong executive director ng AMLC tumawag sa aming tanggapan at gusto makipag-usap at ipaliwanag kung ano ang nangyari pero ganun pa man, hindi ko masabi kung bakit hindi nila na-detect pero ang pinaka problema dito ay nakalampas sa pagmamasid ng ating pamahalaan ang perang pumasok,” pahayag ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
Sinisi din ng senador ang kapabayaan ng AMLC na aniya’y punong dahilan kung bakit walang maiprisintang datos sa pagdinig ng Senado ang iba pang ahensya ng gobyerno.
“Ito, ganito kalaki nakita naman natin sa YouTube at sa mga video yung mga building at construction doon. Pero hindi natin alam anong bangko ang nakatanggap ng pera, sino ang nagbayad sa mga contractor o pagbibili ng construction equipment. Parang bula lang siya na nangyari,” patutsada pa ni Gatchalian.
“Sabi ko nga, dapat ang mga ganitong kalaking investments ng POGO ay nababantayan agad kasi alam naman natin ang POGO halos kadalasan ay puro problema. 2019 until now 2024 wala silang report. Hindi nila alam, kung hindi nila alam lalong hindi natin alam,” pagtatapos ng dismayadong mambabatas.