Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinaspasan ng Kamara de Representantes ang paggulong ng panukalang amyenda sa Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law (RTL) sa hangaring ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan makapagbenta ng murang bigas direkta sa consumers.
Sa mosyon ni Abono Partylist Rep. Raymond Estrella, hindi nagdalawang-isip na aprubahan ni Quezon 1st Dist. Rep. Mark Enverga na tumatayong chairman ng House Committee on Agriculture and Food ang isinusulong na amendment bill.
Wala maski isang pagtutol na naitala sa hanay ng mga mambabatas.
“We already had many inputs on these. We have been discussing until late night. Hindi na po makapaghintay ang taumbayan na magkaroon ng sapat at mababang presyo ng bilihin, lalo na ating kinakain araw-araw: bigas,” pahayag ni Estrella bago pa man hiniling ang pagsang-ayon ng komite sa panawagang rebisahin ang RTL.
Ayon naman kay Enverga, agad na isusumite sa House Ways and Means Committee ang inaprubahan substitute bill para talakayin ang tax provisions. Target naman ng Appropriations Committee dinggin ang budget provisions.
Para kay Enverga, hindi na dapat pagtagalin ng Kongreso ang pagpapasya sa amyenda ng RTL para makapagbenta na agad ng murang bigas ang NFA sa pamilihan.
“Kinakailangan that they should also be there para panlaban din po ng gobyerno sa mga mapagsamantalang mga traders sa merkado,” sabi pa ni Enverga.
“So, kung saan meron din mga nakikitang mga pagkakamali sa merkado, they have the power to enter. Para maibagsak po natin ang presyo,” dugtong ng House panel head.
Samantala, nagpahayag naman ng kagalakan ang ilang ranking House officials sa mabilis na aksyon at pag-apruba ng komiteng pinamumunuan ni Enverga para amyendahan ang RTL.
Kabilang sa mga sumegunda sa pagpapatibay ng amyenda sa RTL si Zambales Rep. Jefferson Khonghun.
“Nagpapasalamat tayo dahil sa wakas, sisipa na ang pag-amyenda sa RTL… lalong-lalo na’t mapagbibigyan ulit o magkakaron ulit ng obligasyon ang National Food Authority para magbenta ng murang bigas sa mga pamilihang bayan. So, binabalense nito yung karapatan na mabigyan ng sapat na ayuda ang mga magsasaka natin at sinisigurado din nito na magkakaron ng karapatan iyong mga mamimili sa murang bigas… sa availability ng murang bigas.”
“So, napakaganda ng adhikain ng pag-amyenda ng batas na ito at talaga namang ito ang gustong mangyari ng ating lider ng Kamara na walang iba kundi si Speaker Martin Romualdez,” pahayag ni Khonghun.
Sa panig ni Deputy Majority Leader at PBA partylist Rep. Margarita Nograles, sinabi niyang ang mabilis na pagpasa sa committee level ng panukalang pag-amyenda sa RTL ay patunay lamang sa determinasyon ng Kamara, sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez na para pababain ang presyo ng bigas.
“It’s good na under the leadership of Speaker Martin Romualdez, tinitingnan, both the short term, kung paano pababain, magiging mababa ang presyo ng bigas through subsidy measures, through the Kadiwa Centers habang tinitignan natin din at the same time ang long term solutions,” sabi pa ni Nograles.
“So, you see how the House really acts and works with the executive department para maibalik talaga sa tao ang mga – at i-address ng mabilisan ang mga issues sa mga tao na talagang kailangan. So we listen, you see that the House listens and the House really acts right away on these important issues and addresses these issues in the best way that we can under the leadership of Speaker Martin Romualdez and of course, the leadership of the President na pinapakinggan naman natin yung direksyon ng administration which at the end of the day, will really go back to the people,” dagdag ng ranking lady House official.
Positibo naman ang reaksyon ni 1-Rider partylist Rep. Rodge Gutierrez. Aniya, ang maagap na pagtugon ng Committee on Agriculture and Food ay isa na namang patunay na nagtatrabaho ang Kamara para sa ikabubuti ng mga mamamayang Pilipino.
“It’s just in line with what we’ve always said, we’re just putting action to our words na kapag priority ito ng House, we do everything that we can within our powers. So, in the people we can expect po, message po natin sa kanila, na patuloy pa rin, it doesn’t stop here with RTL,” aniya pa.
