
SIYAM na buwan mula nang italaga bilang bagong hepe ng pambansang pulisya, walang palya ang isinasagawang balasahan ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil sa hanay ng kapulisan.
Sa pinakahuling direktiba, 10 matataas na opisyal – kabilang ang walong heneral – ang binigyan ng mas mabigat na responsibilidad.
Tampok sa pinakabagong balasahan ang pagtatalaga kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na inatasan pamunuan ang region 3 (Central Luzon) bilang bagong regional director, kapalit ni Brig. Gen. Redrico Maranan na inilipat naman sa Central Visayas (region 7).
Sa paglisan ni Fajardo sa punong himpilan ng pambansang pulisya, hinirang naman bilang acting PNP spokesperson and officer-in-charge sa PNP Public Information Office.
Pasok din sa talaan si Brig. Gen. Roel Rodolfo na hinirang bilang regional police director ng Zamboanga Peninsula. Papalit naman Col. Elmer Ragay si Rodolfo bilang hepe ng PNP Anti-Kidnapping Group.
Inatasan din ni Marbil si Brig. Gen. Eleazar Matta pangasiwaan ang Highway Patrol Group (HPG). Pinalitan na rin ni Col. Rolando Cuya Jr. si Matta bilang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) chief.
Apektado rin sa balasahan sina Brig. Gen. Bowen Joey Masauding na hinirang na deputy director ng PNP Directorate for Comptrollership, Brig. Gen. Wilson Asueta bilang deputy director ng PNP Directorate for Information and Communications Technology, at Brig. Gen. William Segun bilang deputy director ng PNP Area Police Command sa Southern Luzon. (Edwin Moreno)