DAPAT pag-aralan munang mabuti ang hirit na dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ang panawagan ni House Transportation Committee at Quezon City Rep. Franz Pumaren, kasabay ng hirit sa pamahalaan na unahin ang pagbibigay ng fuel subsidies at diskwento sa mga drayber at operator.
“‘Yung sa fare adjustment, that will fall under the LTFRB, but they really have to revisit the whole scenario,” wika ni Pumaren.
“Sa ngayon na ginagawa natin—meron tayong fuel subsidy, may discounted fuel, meron ding per-kilometer na binibigay sa operators at drivers ng jeepney at bus, at may 20 percent discount pa. I think we can bank on that first,” dagdag niya.
Paalala ni Pumaren, sa pagtalakay sa fare hike petitions, hindi lang naman dapat ang panig ng transport sector ang titignan bagkus ay bigyang konsiderasyon din ang commuters kung kakayanin ang pagtaas ng pamasahe.
Sa ngayon ani Pumaren, pinagkalooban ng Kamara ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagpapatupad ng mga hakbang na maibsan ang mabigat na epekto ng global oil crisis/.
Garantiya ng mambabatas, masusing tututukan ng Kongreso ang paglalatag ng long-term reforms upang sa mga darating na panahon sakaling maulit ang kasalukuyang senaryo ay mayroon ng matibay na tugon ang pamahalaan.
“Pag-aralan natin ‘yan. Marami nang nakapila na panukala para gumawa ng bagong batas,” saad pa ng kongresista.
