Ni ESTONG REYES
SA gitna ng naglipanang anunsyo at patalastas ng online gambling tulad ng e-sabong sa iba’t ibang social media platform, target ng Senado talupan ang di umano’y pagbabalik-sigla ng sugal na bukas pati sa hanay ng mga kabataan.
Pangamba ni Senador Lito Lapid na tumatayong chairman ng committee on games and amusements, hindi malayong pati ang sektor na higit na kilala bilang pag-asa ng kinabukasan ay malulong sa pagsusugal na ibinabandera sa social media.
Partikular na tinutukoy ni Lapid ang kabi-kabilang patalastas ng online gambling sa Facebook, X (dating Twitter), Instagram at Tiktok.
Paglalarawan ni Lapid, malaking banta sa kagandahang asal at moralidad ng kabataan ang hayagang pag-endorso ng masamang bisyo sa social media kung saan pasok ang tinatayang 99 porsyento ng mga kabataan.
“Kung ang kabataan ay nakakalusot sa paglalaro ng online gaming, paano natin sila palalakihin nang maayos at may moralidad sa buhay?” himutok ni Lapid.
Batay sa mga impormasyong nakalap ng kanyang tanggapan, may mga kabataang lumiliban at nauubos ang baon sa eskwela sa pagpusta sa online gambling gamit ang kani-kanilang cell phones.
“Ang masaklap pa nito, baka maging mitsa ito ng pang-uumit sa kanilang mga magulang at matuto na rin silang magnakaw, gaya sa mga karakter sa FPJ’s Batang Quiapo,” ani Lapid.
Sinabi pa ng Senador, hindi mahirap para sa mga kabataan mag-install ng online gambling app sa ginagamit na mobile devices – “Napakadali din magparehistro dito sapagkat pangalan at edad lang ang kailangan,” aniya pa.
Kabilang sa ilang online gambling na kinahuhumalingan ng kabataan ngayon ang poker, roleta, color games at iba pang sugal na tulad ng casino.
Para kay Lapid, hindi angkop palampasin ng senado ang lantarang pambubuyo sa mga kabataan sa tinawag niyang masamang bisyo – “Dapat silipin na ng Kongreso yan!”
