
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUMBINSIDO ang isang militanteng kongresista ng Kamara hinggil sa di umano’y planong pagbabalik ng mga US military base sa Pilipinas bilang paghahanda sa posibleng pag-atake ng China sakaling lumala ang tensyon sa West Philippine Sea.
Para kay House Deputy Minority Leader at ACT partylist Rep. France Castro, hindi magiging mabuti para sa mga Pilipino ang maipit sa hidwaan sa pagitan ng China at Estados Unidos.
Batay sa pinakahuling ulat, puspusan na ang paglalatag ng plano para sa mga itatayong military infrastructure sa bansa. Bilang pambungad, uunahin di umano ang Batanes sa hilagang bahagi ng bansa kung saan target ilagay ang “humanitarian logistics warehouse.”
Ayon kay Castro, posible aniyang lumala ang tensyon sa West Philippine Sea sa sandaling matuloy ang militarisasyon ng Batanes Island.
“The military transformation of such an idyllic island is highly deplorable and would further escalate the growing tensions in the South China Sea.””
Hindi rin umano angkop na pahintulutan ng administrasyong Marcos na magmistulang target ng China ang Pilipinas sa pagpuntirya sa Estados Unidos.
“It would also make Batanes a target of attacks as it would be a forward base of the US if China moves against Taiwan,” pangamba ng mambabatas.
“If this happens or if China escalates its aggression in the West Philippine Sea, then we would be right smack in the middle of an inter-imperialist war, making the Philippines the theater of war in Southeast Asia,” pagtatapos ni Castro.
Taong 1991 nang magpasya ang Senado na tuldukan ang mahabang panahon ng pananatili ng base militar sa Pilipinas.