Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang dikit-dikit na bulilyaso, hindi na nagawa pang makapasok sa tinaguriang Magic 12 ni Senador Ronald Dela Rosa na inaasahang muling maghahain ng kandidatura para sa 2025 senatorial derby sa hangaring manatili sa pwesto.
Batay sa talaan na inilabas ng RPMD Foundation Inc. (RPMD) sa isinagawang “Boses ng Bayan” senatorial survey sa unang 10 araw ng nakalipas na buwan, lumalabas na pinakamalakas ang dating sa masa ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na nakasungkit ng 63.7 percent.
Nasa ikalawang pwesto naman si dating Senate President Tito Sotto na nakakuha ng 61.4 percent, habang pumangatlo naman si Ben Tulfo. Pasok din sa Magic 12 sina Sen. Imee Marcos, former President Rodrigo Duterte, Sen. Bong Go, Local Government Sec. Benhur Abalos Jr., Sen. Francis Tolentino, Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez, dating Sen. Ping Lacson, dating Sen. Manny Pacquiao, Sen. Pia Cayetano at Lito Lapid.
Hindi kalayuan sa Magic 12 sina Willie Ong (26.1%), Abby Binay (25.6%), Gringo Honasan (23.5%), Gibo Teodoro (21.7%), Wilbert Lee (18.4%), Kiko Pangilinan (17.3%), Baste Duterte (16.1%), Dick Gordon (15.8%), Pulong Duterte (15.3%), Franklin Drilon (15.2%), Mar Roxas (14.7%), Ted Failon (13.5%), Herbert Bautista (13.1%), Willie Revillame (12.8%), Mike Defensor (11.3%), Bam Aquino (10.5%), Guillermo Eleazar (10.1%) at Dingdong Dantes (9.3%).
Ayon kay Dr. Paul Martinez na tumatayong Global Affairs Analyst at Executive Director ng RPMD, ang “Boses ng Bayan” survey ay sumasalamin ng isang masiglang larawan ng mga napupusuan kandidato sa pagka-senador para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Nasa 10,000 respondents ang lumahok sa Boses ng Bayan survey.
