
PARA sa Korte Suprema, kalabisan ang polisiya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa hanay ng mga self-employed na inatasang magsumite ng mga impormasyon hindi angkop na ibilad.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema, hindi na kailangan magsumite ng rate at register appointment book ang mga self-employed at professionals para lang mamonitor ng BIR ang pagbabayad ng buwis.
Sa resolusyong akda ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, tuluyan na rin pinawalang-bisa ng SC En Banc ang bahagi ng Section 2(1) at 2(2) ng BIR Revenue Regulation (RR) No. 4-2014 o Guidelines and Policies for the Monitoring of Service Fees of Professionals.
Paliwanag ng Korte Suprema, malinaw na paglabag sa “right to privacy” ang kinapon ng polisiya ng BIR.
Sa ilalim ng pinawalang-bisa na BIR regulation, obligado lahat ng self-employed professionals na magsumite ng affidavit kung saan nakalahad ang singil at paraan ng koleksyon para sa ginawang serbisyo sa kliyente.
Abril 22 nang maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema sa naturang regulasyon matapos maghain ng petisyon ang iba’t ibang professional associations na humihiling na ideklarang unconstitutional ang naturang patakaran.
Gayunpaman, kinatigan ng Korte Suprema ang BIR requirement na nag-uutos sa lahat ng self-employed at professionals na irehistro ang kani-kanilang book of accounts para sa taxable income.