HINDI angkop para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kumuha ng subcontractor para gawin ang Philippine National ID na proyekto para sa Philippine Statistics Authority (PSA), ayon sa Commission on Audit (COA).
“BAC Resolution No. 20-06-03 states that subcontracting for the printing of PhilID Cards is not allowed,” saad sa isang bahagi ng 2022 Annual Audit Report ng state auditor PSA.
Batay sa ulat kaugnay ng inspeksyon na isinagawa ng COA sa pasilidad ng BSP, nandoon ang mga empleyado ng AllCard Inc. na punong-abala sa paggawa ng PhilID Cards. Ultimo mga cards, toner, blue tapes at PSN letters pati na ang printing machine ay galing sa AllCard, dagdag ng COA.
Nag-outsource rin ang BSP ng mga raw material na ginagamit ng kumpanyang ginawaran ng kontrata. Kung tutuusin anila, lugar lang ang sagot ng BSP sa proyekto at nagsilbing middleman.
“BSP only provides the facility where the printing machine is located and where the PhilID Cards are to be printed. This is an indication of subcontracting which is not allowed under BAC Resolution No. 20-06-03.”
Dahil dito, tumagal ang proseso. Kapag may nakikitang problema ang PSA, hindi nito agad mapagawa sa AllCard dahil kailangan pa nitong dumaan sa BSP para sabihin sa AllCard.
Paliwanag ng PSA sa COA, mahigpit nitong sinunod ang patakaran para sa mga agency-to-agency agreement ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act. No. 9184.
