Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUMBINSIDO si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon na may ‘kababalaghan’ sa isinagawang bidding ng Department of Education (DepEd) sa panahon ni Vice-President Sara Duterte, para sa pagbili ng P8-bilyong halaga ng laptop para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa hirit na P793.18 bilyong budget ng DepEd, tahasang inakusahan ng ranking House official ang ahensya sa di umano’y sabwatan sa bidding.noong 2022 at 2023.
“May conspiracy na nangyari dito sa procurement na ito. Nagkaroon ng first bidding at rebidding pero the same bidders ang participants. Ang mga sangkot sa conspiracy ay ‘yung nakaupo sa BAC (bidding and awards committee) and the procurement officials supervising them,” wika ni Bongalon.
Ayon sa neophyte Ako Bicol partylist lawmaker, sa unang bidding pa lang may sabit na. Partikular na tinukoy ni Bongalon ang “lowest bid” na aniya’y nag-alok ng laptop na 24 porsyentong mas mura kumpara sa itinakdang presyo ng kagawaran.
Gayunpaman, hindi umano iginawad sa “winning bidder” ang kontrata.
“Dun sa second bidding participated in by the same bidders, naging one percent na lang ang variance. Ibig sabihin, tumaas ang presyo. Para sa akin, this was a rigged bidding,” dismayadong pahayag pa ng kongresista.
“I raise these concerns because probably there is an irregularity in the procurement. And there are personalities involved at mayroon pong nakialam dito, yun po ang paniniwala ko,” dugtong niya.
“Kasi nagkaroon na po ng bidding. Ang hindi ko po maintindihan, bakit hindi natin tinuloy? Sayang po ng P1.6 billion na masi-save po ng ating gobyerno. Sabihin na lamang natin na ang laptop is worth P100,000, ilang laptops na po ang mabibili nun?” aniya pa.
Sa panggigisa ni Bongalon sa hanay ng mga kasalukuyang opisyal ng DepEd, sa pangunguna ni former Senator Sonny Angara, si Undersecretary for Procurement Gerard Chan ang naobligang magpaliwanag sa akusasyon ng mambabatas.
Si Chan ang siyang pumalit kina dating Undersecretaries Michael Poa at Gloria Mercado. Si Poa ay ang kasalukuyang spokesperson ni Duterte sa Office of the Vice President (OVP), habang si Mercado naman ay nag-early retirement.
Tugon ng DepEd official, sina Poa, Mercado at dating Assistant Secretary Francis Bringas, na nag-resign din sa ahensya ang namahala sa procurement.
Nangako naman si Chan sa mga kongresista na isusumite sa Kamara ang lahat ng dokumento patungkol sa P8 billion laptop procurement ng DepEd.
Samantala, tiniyak ni Bongalon na sa tamang panahon ay paiimbestigahan ang irregularidad para mapanagot ang mga may sala.
