
KALABOSO sa pinagsanib na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang limang indibidwal – kabilang ang dalawang Chinese nationals, na pinaniniwalaang sangkot sa paniniktik sa mga kampo ng militar at iba pang pasilidad ng pamahalaan.
Sa isang pulong-balitaan, kinilala ang mga Chinese nationals sa pangalang Ni Qin Hu at Zheng Wei. Kabilang rin sa mga dinakip sina Omar Khan Kashim Joveres, Leo Panti, at Mark Angelo Binza.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, Pebrero 20 pa nang dakpin ang mga suspek matapos makatanggap ng ulat ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) tungkol sa mga sasakyan na may International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers.
Karaniwan umanong target ng spy operation ang kampo ng militar at pulisya, at sa iba pang pasilidad at government assets sa Metro Manila.
Kabilang sa mga nasamsam sa mga suspek ang isang unauthorized base station may kakayahan kopyahin kung hindi man pasukin ang lehitimong cell tower para sa surveillance, pakikinig sa komunikasyon, pagnanakaw ng datos, at hacking.
Nahaharap ang mga arestadong suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Espionage Law.