EMERGENCY meeting sa hanay ng mga senior police officials ang palusot ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil sa pagpasok at pagdaan ng sariling convoy sa EDSA busway.
Gayunpaman, tumanggi magbigay ng iba pang detalye ang hepe ng pambansang pulisya. Aniya, maglalabas ng anunsyo si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng naturang insidente.
“Kahapon kasi there was an emergency and there was an issue that we have to resolve, kaya the SILG will announce yung accomplishment kagabi. Kailangan yung presensya ng pulis namin na higher ups kasi nga nag-closed door meeting and something happened sa operation last night,” wika ni Marbil sa isang panayam sa radyo.
Aniya, nirerespeto ng PNP ang naging aksyon ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) na ginagampanan lamang umano ang trabaho.
“Ang sinasabi ko nga sa PNP natin, itong SAICT they are just doing their job, we have to respect them. Ang pulis po natin ipinagbabawal na gumamit ng bus lane. In case of emergency, just follow them, get the ticket, huwag nang mag-argue then explain na lang bakit natin ginamit. Lahat kami we are just doing our job,” dugtong ni Marbil.
Bago pa man ang panayam sa hepe ng pambansang pulisya, una nang iginiit ni Brig. Gen. Jean Fajardo na legal ang pagpasok at paggamit ng convoy sa EDSA busway sa naturang pagkakataon.
“Meron naman po doon sa guidelines na kapag ang mga PNP officers ay urgent and emergency in nature ay pwede naman pong dumaan po,” wika ni Fajardo na tumatayong PNP spokesperson.
“Pero hindi na po nakipagtalo itong convoy at nakiusap na lang po na hayaan muna pong maihatid yung ating officer po sa Camp Crame. At bumalik po sila para kunin ang ticket intended po sa kanilang supposed violation,” dagdag pa niya.
Bukod kay Marbil, inamin ni Fajardo na lulan ng ibang sasakyan na bahagi ng convoy ang iba pang senior police officers.
“For security reason po, hindi na po natin idi-divulge ang identities po ng laman po ng convoy. What we can confirm po ay these senior officers holding sensitive positions po,” aniya.
Araw ng Martes nang parahin ng mga tauhan ng SAICT ang convoy ni Marbil sa kahabaan ng EDSA malapit sa Ortigas Avenue.
Bukod sa mga bus lang na pasok sa kategorya ng city-operations, kabilang din sa mga pinahihintulutan gumamit ng EDSA busway ang mga ambulansyang may sakay na pasyente, trak ng bumbero, mga pulis na may tinutugis, mga service vehicles na may kinalaman sa EDSA Busway Project, sasakyan ng Pangulo, Bise-Presidente, Senate President, Speaker ng Kamara, Chief Justice ng Korte Suprema.
