WALA na sa Pilipinas ang bagyong Tino, pero patuloy pa rin ang pagdadalamhati ng mga naulila ng mga kaanak na biktima ng bagsik ng kalikasan.
Sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), pumalo na sa 269 ang bilang ng nasawi dahil sa Bagyong Tino, habang 28 naman ang dulot ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, pinakamarami ang namatay mula sa Cebu na may 150, sinundan ng Negros Occidental na 77 at Negros Oriental na 23. Anim naman ang namatay sa Agusan del Sur, tatlo sa Capiz, tig-dalawa sa Leyte, Southern Leyte, at Dinagat Island, at tig-iisa sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol.
Nasa 113 katao pa rin ang nawawala — 57 sa Cebu, 50 sa Negros Occidental, at anim sa Negros Oriental. Umabot naman sa 523 ang sugatan dulot ng bagyo.
Tinatayang umabot sa P490.1 milyon ang pinsala sa imprastraktura at P484.8 milyon sa agrikultura dahil sa Bagyong Tino, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa Bagyong Uwan, 10 ang nasawi sa Ifugao, apat sa Kalinga, tig-tatlo sa Nueva Vizcaya, Mountain Province, at Benguet, at tig-iisa sa Catanduanes, Capiz, Samar, Sulu, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Umabot naman sa 52 ang sugatan, habang dalawang indibidwal pa rin ang hindi pa natagpuan.
Tinatayang P2.2 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.9 bilyon sa agrikultura dulot ng Bagyong Uwan, ayon pa sa NDRRMC. (LILY REYES)
