HABANG papalapit ang araw ng Pasko, asahan ang iba’t ibang anyo ng panloloko sa internet, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Sa paglulunsad ng Scam Watch, nanawagan ang CICC sa publiko na maging mapanuri sa alok sa social media lalo pa’t malaki umano ang posibilidad na panloloko ang pakay ng mga estranghero.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang anila’y “12 Scams of Christmas” kabilang ang modus ng online shopping scam, fake delivery scam, call scam, job/task scam, investment scam, love scam, loan scam, impersonation scam, travel scam, charity scam, middleman scam, at online gambling scam.
Hinikayat ng ahensya ang publiko na sundin ang “#KontraScamAttitude”— maging mapagmatyag, magduda, huwag pansinin ang kahina-hinalang link o tawag, at magsumbong agad sa pamamagitan ng National Anti-Scam Hotline 1326.
Pwede rin ipagbigay-alam ang anumang kahina-hinalang mensahe o link sa eReport section ng eGOVPH app.
“The Holiday Season is when scammers become more aggressive and creative. This awareness campaign is part of our duty to equip every Filipino with the right knowledge so they won’t fall victim to fraudulent messages, fake deliveries, phishing calls, and other cybercrimes. Our goal is simple—to make Christmas safe for every Filipino family,” wika ni CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso.
