HAYAGANG kinalampag ng mga kawani ang Department of Budget and Management (DBM) bunsod ng umano’y kawalan ng aksyon sa insentibo para sa hindi bababa sa 85,000 non-teaching personnel sa ilalim ng kagawaran.
Sa isang panayam, partikular na tinukoy ni Atty. Domingo Alidon na tumatayong pangulo ng Department of Education-National Employees Union (DepEd-NEU) ang performance-based bonus (PBB) para sa taong 2023, alinsunod sa Collective Negotiation Agreement Incentives.
Para kay Alidon, walang dahilan ang DBM ipagkait sa mga kawani ng ahensya ang PBB na mas pinalakas sa bisa ng Executive Order 180. Sa ilalim ng EO 180, kasali ang mga non-teaching personnel ng gobyerno sa mga dapat bigyan ng PBB.
Giit niya, higit na angkop tularan ng kasalukuyang pamunuan ng departamento ang ginawa noong nakaraang taon kung saan P10,000 CNA incentive ang ipinagkaloob sa mga empleyado.
“Kung nagawa noong nakaraang taon, bakit hindi ngayon? May sapat na savings para maibigay ang P30,000 CNA incentive sa lahat ng non-teaching personnel,” pahayag ni Alidon.
Tinatayang 85,000 non-teaching personnel, kabilang na ang mga miyembro at hindi miyembro ng NEU, ang makikinabang sakaling aprubahan ang naturang insentibo.
“2025 na pero 2023 PBB pa lang ang pinag-uusapan. Dapat ay 2024 PBB na ang tinututukan ngayon,” dagdag ni Alidon.
Kapuna-puna rin aniya ang maagang “release” ng pondo para sa mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH), habang patuloy na pinapaasa ang mga kawani ng DepEd.
Bukod sa usaping insentibo, muling iginiit ng NEU ang pangangailangan ng karagdagang non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
“Marami nang tungkulin ng mga guro ang inilipat sa non-teaching staff, pero kulang pa rin tayo ng manpower. Kailangan natin ng hindi bababa sa 100,000 karagdagang positions,” ayon kay Alidon.
Kabilang sa mga posisyong kailangan ay administrative officers, clerks, legal officers, nurses, at guidance counselors.
Hinimok din ni Alidon ang pamahalaan na ibalik sa General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa savings incentive upang hindi na ito nakadepende lamang sa natitirang pondo ng ahensya.
Aniya, nagiging “paradoxical” ang sitwasyon kung saan kapag mahusay ang performance, kadalasan ay walang savings, kaya’t walang incentive.
Sa huli, nanawagan si Alidon kay Education Secretary Sonny Angara na bigyang pantay na atensyon ang non-teaching personnel, tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga guro.
“Maganda ang mga reporma ni Secretary Angara, pero sana mas matutukan din ang kapakanan ng mga non-teaching staff. Kailangan nila ng karera, pagkilala, at sapat na bilang sa mga paaralan,” pahabol ni Alidon. (EDWIN MORENO)
