KUNG pagbabatayan ang pinakahuling datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lumalabas na malalim na ang ugat ng katiwalian sa nasabing kagawaran.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, pumalo na sa 421 ang kabuuang bilang ng mga kontratang pasok sa kategorya ng “ghost flood control project.”
“Initially, 8,000 projects all over the country were validated. And out of the 8,000, ang na-validate na ‘ghosts’ ay 421,” wika ni Dizon.
Anang Kalihim, posibleng tumaas pa ang bilang ng mga ghost projects sa mga susunod na araw lalo pa’t walang puknat ang inspeksyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinasa na rin aniya ng DPWH ang talaan ng mga bagong tuklas na ghost projects na pinakamarami umano sa Luzon.
“Madaling establish yung accountability at liability kasi ‘ghost’ nga. Hindi na mahaba ‘yung case build-up nu’n. Hopefully mas mabilis tayo makapag-file ng kaso,” pagtiyak ni Dizon.
Sinabi naman ni ICI Executive Director Brian Keith Hosaka na malaking tulong sa komisyon ang resulta ng imbestigasyon sa mga “ghost” flood control project.
“The direction provided by this data and information is significant, and we will look into it. If there are districts or regions we can review, we will visit them,” ani Hosaka.
“As we move forward, we are gaining momentum. This process is accelerating. With the 421 ‘ghost projects’ identified, it will make things easier.”
