KINALAMPAG ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ang Department of Justice (DOJ) para anila’y dagundong ng panawagan sa agarang “extradition” ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos.
Bukod sa mga senador na una nang sumang-ayon isuko si Quiboloy sa Estados Unidos, suportado rin ng mga miyembro ng Kamara na nagpahiwatig ng suporta sa extradition ng dating presidential spiritual adviser ni former President Rodrigo Duterte.
Sa panig ng mataas na kapulungan, nanindigan si Senador Risa Hontiveros na may legal na basehan ang pagsuko kay Quiboloy sa Amerika — ang PH-US Extradition Treaty.
“Under Article 11, paragraph 1 of the PH-US Extradition Treaty, kahit may kaso siya dito, pwede pa rin siyang dalhin sa Amerika para harapin muna ang mga kaso doon, at pagkatapos ng paglilitis ay ibalik sa Pilipinas para panagutin sa mga krimen dito,” saad sa isang bahagi ng pahayag ni Hontiveros.
May mga biktima rin aniya si Quiboloy sa Amerika na mahabang panahon na rin naghihintay na mabigyan sila ng hustisya.
“Hindi rin tama na patagalin pa ang kanilang laban. If we continue to delay, we are denying them their right to be heard,” giit ng senador. “By allowing temporary surrender, we uphold justice on both sides. Nakakasiguro ang Pilipinas na hindi mawawala ang ating mga kaso, at natutulungan din natin ang mga biktima sa Amerika.”
Sa Kamara, inihayag ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na malaking bentahe kung mahahatulan muna sa Estados Unidos ang nakakulong na lider ng sekta. Aniya, magsisilbing “precedent” ang hatol ng US court kay para makamit naman ng mga biktimang nasa Pilipinas ang hustisya
Panawagan ni Cendaña sa DOJ — agarang tugon sa extradition request ng US.
Maging si Manila Rep. Rolando Valeriano kumbinsidong nararapat tumupad ang Pilipinas sa PH-US Extradition Treaty lalo pa’t mabigat aniya ang mga kasong dapat harapin ni Quiboloy sa Estados Unidos.
Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail dahil sa mga kasong human trafficking at child abuse. Wanted naman siya ng Federal Bureau of Investigation sa Amerika dahil sa mga kasong trafficking, bulk cash smuggling, immigration fraud, at iba pa.
