WALA man lang maski kapirasong nerbyos ang mga dayuhang operator sa likod ng mga scam hubs sa lalawigan ng Cavite na higit na kilala bilang balwarte ng dalawang matikas na miyembro ng gabinete.
Sa operasyon na ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) dalawang scam hub sa Bacoor City ang inginuso ng impormante. Nang magsagawa ng surveillance operation, lumabas na positibo ang impormasyon.
Bitbit ang search warrant, pinasok ang target ng operasyon kung saan huli umano sa akto ang 10 indibidwal habang nakikipag-chat sa mga target biktimahin.
Kumpiskado sa operasyon ang mga computer, cell phone at santambak na SIM card na pinaniniwalaang ginagamit sa panloloko.
Sa on-site examination na isinagawa ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) natukoy na ang mga suspek ay sangkot sa fraudulent scheme, gamit ang data, scripts, notes, spiels at mga program para sa illegal access, misuse of devices, computer-related fraud at social engineering scheme.
Kasalukuyang nakapiit sa NBI detention facility ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at RA 12010 (Anti-Financial Accounts Scamming Act).
