NI ESTONG REYES
Sa gitna ng total ban na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa online sabong, may mga pulis na piniling magpayaman kesa sundin ang utos ng Palasyo.
Sa isang panayam sa radyo, isiniwalat ni Senador Erwin Tulfo na tumatayong chairman ng senate committee on games and amusement, ang aniya’y patuloy na pamamayagpag ng online sabong sa buong bansa.
Sa isang panayam sa radyo, ibinahagi ni Tulfo ang nakaambang “senate investigation in aid of legislation” sa hanay ng mga regional at provincial directors ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng impormasyon hinggil sa umano’y P200-milyong buwanang suhol ng isang kilalang e-sabong operator.
Bukod sa PNP, kabilang rin sa target isalang sa pagdinig ng senado ang ilang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Tulfo, pumapalo sa P600 milyon ang buwanang kubransa ng online sabong operator, pero P400 milyon lang aniya ang natitira dahil nakalaan sa ilang matataas na opisyal ng PNP, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at NBI ang P200 milyon.
“Ang take home nila nasa P400 million. Ang medyo malaki d’yan ‘yung mga lagay-lagay. Lagay sa pulis, lagay sa NBI. Iyan ang medyo malaki tapos wala na silang tax,” wika ni Tulfo.
“Eh may tsismis na ganun kaya gusto ko rin makausap sila kasama sila sa ipapatawag natin kung may katotohanan ba ito kasi may kumakalat ng mga balita na pati NBI, CIDG, regional director, provincial director, pati mga chief of police nalalagyan,” dagdag ng senador.
Hindi binanggit ni Tulfo ang pangalan ng online sabong operator. Gayunpaman, tiniyak ng senador na nasa laya pa umano ang kanyang tinutukoy.
