LUBOS ang paniwala ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa nakakalabas ng Pilipinas si suspended Bamban Mayor Alice Guo na una nang napabalitang pumuslit ng bansa noong nakalipas na buwan.
“Yung whereabouts ni Mayor Guo, meron naman kami, may information mula sa ibang mga ahensya, yung mga kawani, na nandito pa siya sa Pilipinas,” wika ni Justice Undersecretary Nicky Ty sa isang press briefing.
Gayunpaman, hindi tinukoy ni Ty kung saan nagmula ang impormasyon hinggil sa puganteng alkalde.
Kamakailan lang, binigyan ng ultimatum ng Senado ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para matunton at madakip si Guo na nahaharap sa santambak na kasong kriminal kabilang ang human trafficking.
Sinampahan din kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang alkaldeng pinaniniwalaang sangkot sa sinalakay na illegal POGO hub sa 10-ektaryang pasilidad hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipalidad ng Bamban.
Matatandaang binigyan na ng Senado ng ultimatum ang mga awtoridad upang arestuhin si Guo.
Naglabas na rin ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council sa 90 bank accounts na pinaniniwalaang ginagamit ni Mayor Guo sa mga ilegal na transaksyon.
Naghain na rin naman ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition sa Manila Regional Trial Court (RTC) sa hangaring tuluyang patalsikin sa pwesto si Guo.
