Ni ESTONG REYES
SA gitna ng walang puknat na batikos kaugnay ng malawakang pagbaha sa kabila pa ng bilyon-bilyong pondo, pumiyok ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala pa talagang integrated national flood control master plan ang pamahalaan.
Sa pagdinig ng Senate committee on public works, kinumpronta ni Sen. Imee Marcos si DPWH Secretary Manuel Bonoan hinggil sa paglubog ng malaking bahagi ng bansa bunsod ng hagupit ng bagyong Carina.
Hinanap din ng senador ang tinaguriang integrated national flood control master plan kung saan nakasaad ang mga pamamaraan ng pamahalaan sa taunang pagbaha.
“Does this exist? Do we actually have a master plan… Until today we have no answer with regard to this master plan,” ani Marcos.
“Your honor as I mentioned, I think the updating of the feasibility of the masterplan is still ongoing in some aspects,” ani Bonoan, kasabay ng paglilinaw na may iba’t ibang masterplans sa 18 major basins nang pumasok ang kasalukuyang administrasyon.
Palusot pa ng Kalihim, nagsasagawa aniya ang departamento ng updating kung saan ikinokonsidera ang climate change.
“So there’s an admission on the part of the DPWH that in fact a national flood control master plan still does not exist? Tama po ba yon? Kasi hiwa-hiwalay yung 18. Di naman sila pinagdugtong-dugtong. Hindi pa naka-align sa MMDA. Merong sari-sarili rin at pira-piraso yung ating LGU,” ani Marcos.
“To some extent that’s correct, Madam Senator. But what I am saying is actually there have been masterplans before that were carried out and…that [are] now being updated,” tugon ni Bonoan.
Dagdag pa ng DPWH chief, ang 5,521 flood control projects na ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ay pawang “band-aid solutions” lamang.
“Tama po ba ang pagkaintindi ko, immediate relief lang po? So tagpi-tagpi na naman tayo, patse-patse na naman?” muling pag-usisa ng senador.
“Tama po,” sagot ni Bonoan.
