DAHIL sa nadiskaril na kabuhayan ng mga mangingisdang tanging sa dagat umaasa, isinailalim ng Cavite provincial government sa State of Calamity ang walong baybaying bayan na lubhang apektado sa pagkalat ng tumagas na langis mula sa lumubog na oil tanker sa Manila Bay sa gawing Bataan kamakailan.
Sa isang ulat na ipinadala sa Office of Civil Defense, partikular na tinukoy ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang Bacoor, Kawit, Tanza, Rosario, Noveleta, Maragondon, Naic at Ternate na aniya’y apektado ng oil spill.
“Kumalat na po ang oil spill sa mga coastal areas sa Cavite “, pahayag ni Remulla sa kanyang Facebook post.
“As of today, the province is declaring a STATE OF CALAMITY in these areas,” aniya pa.
Hulyo 25 nang lumubog ang MT Terra Nova na may kargang 1.4 milyong litro ng langis sa sa karagatan ng Bataan.
Samantala, ipinagkibit balikat lang ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesperson Nazario Briguera ang Bataan oil spill na ayon sa kanya ay hindi kasing lawak ng oil spill sa Oriental Mindoro noong nakalipas na taon.
Ipauubaya na rin aniya ng kawanihan sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapasya kung dapat magpatupad ng fishing ban.
“Sa BFAR ang nakatoka sa amin ‘yung pag-aanalisa ng fish sample, marine habitat, at yung anumang mga technical information na makukuha namin at ibibigay sa LGU at sila ang magdedesisyon kung magpapatupad ng fishing ban,”ani Briguera.
Sa kaugnay na balita, nakatakda naman magbigay ang Department of Agriculture ng tig-P3,000 sa mga apektadong mangingisda.
