KINASTIGO ng isang mambabatas mula sa katimugan ang hindi patas na polisiya sa implementasyon at pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hirit ni Senador Bong Go sa DSWD, huwag politikahin ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa maralitang pamilya sa Mindanao.
Sa pagdinig ng Senate committee on social justice, muling isinulong ni Go ang panukalang gawing permanente ang AICS program gayundin ang iba pang mekanismong naglalayon itaas ang kalidad ng social welfare programs para sa maralitang sektor.
Sa Senate Bill 2638 na akda ni Go, target ng senador panagutin ang sinuman sa DSWD at iba pang tanggapan ng pamahalaan na magiging dahilan ng pagkaantala sa paghahatid ng mga serbisyo o pondo ng AICS sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
“Una kong itinaas ito noong DSWD budget hearing last September 20, 2023. Muli ko itong itinaas noong budget interpellations sa plenaryo noong Nobyembre 14, 2023. Umabot na po sa 2024, ilang beses na rin po tayong nagpa-follow up nito sa ating DSWD… Kaya lang po medyo talagang mabagal,” wika ni Go.
Katunayan aniya, hindi pa rin nabibigyan ng DSWD ng tulong pinansyal ang mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Egay na bumayo sa Mindanao buwan ng Hulyo ng nakaraang taon.
“Ano ba talaga ang plano niyo dito? Ilang beses na natin pina-follow up sa inyo. Hindi ko po alam kung bakit kailangan magmakaawa ng mga benepisyaryo na makahingi ng tulong mula sa DSWD,” tanong ng senador.
“Mandato naman ng DSWD na tulungan po ang in crisis at mga nangangailangan. Mandato ng DSWD na tumulong nang walang pili. Kaya nga po natin tinawag itong AICS – Assistance to Individuals in Crisis Situation,” himutok ng mambabatas.
“Ako po’y kadalasang tumutulong po sa mga mahihirap nating kababayan. Nagbibigay po ako ng aking counterpart mismo dito. Personal ko ito, hindi po ito mula sa DSWD – yung mga grocery packs, galing po sa akin yan, pagkain, pinapa-merienda ko sila… vitamins, mga face masks. Gusto ko talagang tulungan sila yung mga naging biktima ng sunog, lindol, putok ng bulkan, buhawi, at iba pang disaster,” dugtong pa niya.
