GAANO man kagaling magtago, tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na madarakip na sa mga susunod na araw ang puganteng heneral na pinaniniwalaang nasa likod ng pamamaslang kay broadcast journalist na si Percy Lapid.
Sa isang pulong-balitaan sa Palasyo, hayagang sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na tumatayong tagapagsalita ng departamento na tukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pinagtataguan ni former Bureau of Corrections chief General Gerald Bantag.
Bagamat walang sinabi kung kailan matitimbog si Bantag na tatlong ulit tinakasan ang NBI sa magkakahiwalay na operasyon sa Laguna, Caloocan at Baguio City, patuloy naman aniya ang isinasagawang pagtugis sa puganteng heneral.
Panawagan ni Clavano sa publiko – wag masyadong atat.
“Iyong kay Bantag, patuloy pa din po iyong manhunt ho natin. We have a general idea already of his whereabouts so it’s just a matter of time. Again, with these things, we just have to stay patient – these things don’t happen overnight. The wheels of justice, they grind slowly but they grind very finely, so we just have to stay patient,” wika ni Clavano.
Oktubre 2022 nang paulanan ng bala ang sinasakyang kotse ni Lapid sa Las Piñas City.
