NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring linisin ang pangalan sa mga lumutang na impormasyon kaugnay ng madugong giyera kontra droga, minabuti ni Senador Ronald dela Rosa na magsagawa ng sariling senate inquiry gamit ang komiteng pinamumunuan niya.
Pero para kay Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, kawalan ng delicadeza sa panig ni dela Rosa ang planong pag-iimbestiga sa kontrobersiya kung saan kabilang siya sa mga “bida.”
Sa mga nakalipas na pagdinig ng quad comm ng Kamara, partikular na tinukoy si dela Rosa sa mga personalidad na nasa likod ng reward system na kalakip ng giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyong kanyang pinaglingkuran bilang hepe ng pambansang pulisya.
Batay sa mga testimonya sa Kamara, kaladkad si dela Rosa sa extrajudicial killings, kalakalan ng ipinagbabawal na gamot at reward system sa hanay ng mga operatibang ginamit bilang berdugo sa madugong kampanya laban sa droga.
“Delicadeza na lang sana ang pairalin ni Sen. Bato. For me it is highly inappropriate for him, the chief enforcer of the drug war, to lead a probe into the very operations he designed and implemented,” pahayag ni Fernandez na tumatayong pinuno ng House Committee on Public Order and Safety.
“As the architect of the war on drugs, Sen. Bato would be practically investigating himself. This undermines the integrity and objectivity of any findings that may result from this investigation,” wika ng ranking House official.
Una nang nagpahayag ng pagdududa si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa kakayahan ng senador na magsagawa ng patas na imbestigasyon kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
“I would think that he (Dela Rosa) would be more biased than actually balanced in that hearing,” sambit ng Manila solon.
Sa kabilang banda, ikinalugod naman ni Abante ang pagkakaroon din ng pagsisiyasat ng Senado sa madugong drug war ni Duterte kung saan ng libo-libong indibidwal ang pinaslang sa bisa ng garantisadong pabuya sa kada ulo ng drug suspek na itinumba.
“In fact, sabi ng Bible, two is better than one. Eh ‘di partner na kami ng Senado when it comes to investigation,” wika din ng mambabatas.
“Iimbestigahan ang sarili?” — ito naman ang bulalas ni Gabriela Women’s Party Representative Arlene D. Brosas sa hirit ni Dela Rosa.
“Sino ang iimbestigahan niya, sarili niya? This planned investigation by Sen. Bato, who himself has been accused of playing a central role in Duterte’s war on drugs, is nothing but a biased attempt to sanitize their involvement,” ani Brosas.
“Wala na sanang paghuhugas kamay na maganap. Matagal nang nananawagan ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings kaya panahon na para harapin ito ng mga akusado,” anang militanteng kongresista.
Sa panig ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel — “kung matutuloy man ang kaparehong imbestigasyon sa Senado, nais muna nating paalalahanan ang ating mga nakatatandang kapwa-mambabatas: Hindi dapat magamit ang congressional investigations bilang shield ng mga senador na mismong sangkot sa pekeng war on drugs.”
“Ang mga imbestigasyon sa Kamara at Senado ay dapat in aid of legislation, hindi in aid of self-preservation,” dugtong ni Manuel.
Para kay ACT Teachers Rep. France Castro, “gusto lamang guluhin ni Sen. Bato ang imbestigasyon isinasagawa ng quad comm at maghasik ng fake news.”
“Ano yan? Inquiry in aid of legislation o gusto lang nyang pagtakpan ang pananagutan nya, ni Pres Duterte at iba pang may kinalaman sa EJKs? Bakit ngayon lang sila mag-iimbestiga? Di ba dapat may investigation o inquest ang bawat napatay sa war on drugs ni Duterte at noong PNP chief pa siya?”
