SA hangaring tugunan ang pangangailangan ng mga litratistang dumaranas ng matinding pagsubok, isang fundraising photo exhibit ang inilunsad ng Press Photographers of the Philippines (PPP) mula Oktubre 22 hanggang 28 sa Makati Commerce Tower sa kahabaan ng Sen. Gil Puyat Avenue sa lungsod ng Makati.
Ayon kay PPP President Edwin Bacasmas, isang premyadong litratista, tampok sa photo exhibit ang larawan ng mga batikang press photographers mula sa iba’t ibang media organizations.
“This exhibition is our way of reaching out to our brothers-in-arms who have dedicated their life in the service of people,” pahayag ni Bacasmas kasabay ng pagkilala sa mga kapwa press photographer na naghandog ng mga obrang umani na ng mga parangal sa iba’t ibang patimpalak.
Para kay Bacasmas, higit na angkop ang kolektibong tugon sa mga kapwa “maniniyot” na nagkaisang maghatid ng higit na kinakailangan tulong sa mga kasamahang nasa gitna ng mabigat na hamon bunsod ng karamdaman.
Kabilang sa mga tampok na obra ang mga piyesa nina Lourd De Veyra, Jun Sabayton, Ludwig Ilio, Benjie Lontoc, Brian Afuang, Jimbo Albano, Vic Sison, Jhun Dantes, Alex Magno, John Eiron Francisco, Roger Luy at Benjo Laygo (†).
Bukod sa mga litratista, nagpahayag din ng kahandaan tumulong ang mga tanyag na debuhista tulad nina Amang Pintor, Roger Luy, Watercolor master Rafael Cusi at mud artist Percy Delono na magpapamalas ng live art performances.
Pasok din sa talaan ng mga alagad ng sining na makikibahagi sa fundraising exhibit sina Rico Aunzo, Daniel Dumaguit, Clarisse Agilera, Joe Hilario Arnold Dacles Estrella at Riza Zuniga.
Bahagi rin ng naturang fundraising event ang musika ni DJ Par Satellite, Lourd De Veyra at Jun Sabayton – bukod pa sa kani-kanilang tampok na obra sa exhibit.
Meron din aniyang larawang tampok ang mga miyembro ng PPP na sina Albert Garcia, Joe Galvez, Gino Españo, Jhun Dantes, Claro Cortez, Luis Liwanag, Pinggot Zulueta, Dave Leprozo, Boy Cabrido, Gil Nartea, Bruce Lee Strong, Rhoy Cobilla, Roy Domingo, Nonie Reyes, George Buid, Jun Mendoza, Bruce Lee Strong, Joe Haresh Tanodra, Nico Sepe at ang sikat na travel photographer na si George Tapan.
Katuwang ng naturang photo exhibit bilang major sponsor ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kasama ang Makati Commerce Towers na kilala sa natatanging disenyo at pasilidad.
Kabilang rin sa mga tumulong para maisakatuparan ang fundraising photo exhibit ang One Stop Record Fair (para sa audio) at Boss Magazine.ph bilang event organizer. Official media partner naman ang Business Mirror, Pilipino Mirror, and the Philippines Graphic.
“This exhibition of solidarity within the media community underscores unity in supporting those who have dedicated their careers to documenting history and informing the public,” dugtong ni Bacasmas.
Bukas sa publiko ang photo exhibit kung saan matutunghayan ang mga kamangha-manghang obrang larawan at dibuho. Bahagi rin ng pitong araw na exhibit ang interactive sessions, live painting demonstrations, at photojournalism workshops para sa mga kabataan at maging sa hanay ng mga propesyonal.