Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAGPAHAYAG ng suporta ang mga ranking official ng Kamara sa ipinatutupad na polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.’s hinggil sa pangangalaga sa interes ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) kabilang ang pagsusulong ng diplomatikong pamamaraan sa kabila ng mga mapahangas na paraan ng China.
“We just make sure that we sustain the foreign policy that the President is espousing. Iyon naman talaga ang magagawa natin. Hindi naman tayo pwedeng lumaban ng patas sa kanila. Hindi natin kakayanin,” ang siyang bungad na pahayag ni House Assistant Majority Leader Maria Amparo “Pammy” Zamora (Taguig City, 2nd District) bilang tugon sa kasalukuyan sitwasyon ngayon sa WPS.
“We support the President in his foreign policy, and we strengthen our alliances sa mga nations that espouse the same beliefs. And syempre we send that message that we cannot be bullied,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Zamora ang pahayag bunsod na rin ng maituturing na pinakamarahas na hakbang ng Chinese coast guard nang bombahin ng tubig ng dalawang Philippine supply vessels malapit sa Bajo de Masinloc, na pasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ayon naman kay House Deputy Majority Leader Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District), hindi na dapat pang maulit ang naturang insidente .
Giit niya, kinakailangang ding patuloy na magkaroon ng transparency at solidarity sa hanay ng mga bansa para resolbahin ang mga mapaminsalang aksyon ng China sa WPS.
“Of course, we will fully support whatever the foreign policy of our President and of him being the commander of the Armed Forces. But also we need to keep, as what we are doing now, we need to be more transparent, we are transparent on what’s happening in the WPS and ito pong ginagawa sa ating mga kababayan sa WPS, inaabuso ang ating mga kababayan dito, iyon nga po may incident na naman itong water cannon,” himutok ng Isabela province solon.
“This allows us to gain more support also from the international community, of course ano po our neighbors were also experiencing the same, kaya po we need to keep doing this to show the world and also international community kung ano po talaga iyong totoong nangyari at sitwasyon dito po sa atin,” dagdag niya.
Para kay House Assistant Majority Leader Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District), mahalagang mapatatag ang ugnayan ng international community hinggil sa mga agresibong hakbang na ito ng China.
Inihalimbawa niya ang diplomatic achievements na nakamit ng Pilipinas matapos ang trilateral meeting nina Presidente Marcos Jr., United States President Joe Biden at Prime Minister Fumio Kishida ng Japan sa Washington, D.C. kamakailan.
“Siguro po, given the recent developments, it’s very important for us to strengthen our ties with the international community, with countries that are willing to work with us in terms of addressing the aggression that China is currently doing,” ayon pa kay Suansing.
Bunsod ng naturang pagpupulong ng tatlong lider, ikinalugod at pinapurihan ni Suansing ang pagkakapasa sa US Congress ng Philippines Enhanced Resilience Act (PERA) kung saan ang Pilipinas ay tatanggap ng $800 million halaga ng tulong mula sa Amerika, kabilang ang military equipment and reinforcements.
Ani Suansing, mahalaga rin ang pagsusulong ng diplomatic route sa pagkilala at pagsunod sa international laws, kabilang na ang itinataguyod ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na siyang batayan ng posisyon ng Pangulo.
“What we want to accomplish is a diplomatic route in terms of upholding UNCLOS and the different international laws na lahat naman po ay nakapanig, naka-side po sa assertion ng Pilipinas,” aniya pa.
Tinukoy din niya ang mahalagang papel na ginagampanan ni Speaker Martin Romualdez,sa pagpupursige na magkakaroon ng katuparan ang mga kasunduang nabuo sa ginanap na trilateral meeting.
“The House commends our President in all of his efforts and malaki din po iyong papel na ginagampanan ng ating pinakamahal na Speaker Martin Romualdez doon po sa pag-follow through doon po sa mga napag-usapan sa trilateral meeting,” ayon pa kay Suansing.
Dahil sa pangyayari sa Bajo de Masinloc, sinabi ni House Deputy Majority Leader at TINGOG partylist Rep. Jude Acidre na dapat bigyan pansin ang pagpapalakas sa kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG) na bantayan ang maritime borders ng bansa.
Sa muling pagtalakay ng Kamara para sa pambansang badyet ng bansa, tinitiyak ng kongresista na ipa-prayoridad ang paglalaan ng pondong pambili ng PCG ng sapat na mga kagamitan, tauhan at pagsasanay.
“Kasi definitely ang suporta with regards to equipment, training, kung ano pa na magpapalakas ng capability ng Coast Guard ay malaking bagay na magiging mas epektibo nilang mababantayan ang ating mga karagatan, lalong-lalo na sa [WPS], pagtatapos ng solon.
