ISANG bagong pasabog ang pinakawalan ng beteranong kolumnista kaugnay ng desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sibakin sa pwesto si dating Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz.
Ayon kay Ramon Tulfo, natanggal bilang Kalihim si Ruiz dahil sa naglahong P50-milyon na nakatago umano sa safety vault kung saan aniya itinatago ang perang pambayad sa mga vloggers na ginagamit ng Palasyo laban sa mga Duterte at iba pang kritiko laban sa administrasyon.
“Lumabas na: Natanggal si dating Secretary Jay Ruiz ng Presidential Communications Office (PCO) dahil nawala ang P50 million sa kanyang vault,” wika ni Tulfo.
Anang antigong peryodista, mismong kasama ni Ruiz ang nagligwak ng impormasyon kung bakit nawala agad sa PCO ang dating reporter ng ABS-CBN.
“Bakit may ganoong kalaking halaga sa isang opisina ng gobyerno? Hindi ini-report sa pulisya ang pagnanakaw dahil ‘di maipaliwanag kung saan ang pinanggalingan nito,” aniya pa.
“Hindi matukoy kung sino ang nagnakaw ng malaking halaga.”
