
NAGKALAT sa social media ang larawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na nasa inisyuhan ng Senado kamakailan ng mandamiento de arresto.
Sa isang artikulong lumabas sa Politiko news portal, ibinahagi ang larawan nina Quiboloy at dating Pangulong Duterte sa isang lugar na tinawag na Kingdome ng vlogger na kasama sa naturang pagkikita ng dalawang prominenteng personalidad.
Hindi naman sinabi kung ano ang pinag-usapan sa pagkikita nina Quiboloy at Duterte na kapwa nahaharap sa pag-uusig sa labas ng bansa.
Gayunpaman, si Quiboloy pa lang ang naisyuhan ng warrant of arrest kaugnay ng patong-patong na kasong bulk cash smuggling, conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children at conspiracy na isinampa sa Estados Unidos.
Dating presidential spiritual adviser ni Duterte sa Quiboloy na nahaharap sa bukod na imbestigasyon ng Kamara at Senado.
Bago pa man lumabas ang mga nasabing larawan, naglabas ng anunsyo ang Sonshine Media Network Inc. (SMNI) na pinaniniwalaang pag-aari ng kontrobersyal na pastor, hinggil sa pagtatalaga kay Duterte bilang administrador ng lahat ng pag-aari ng KOJC na itinatag ni Quiboloy.