PARA sa Kamara, higit na angkop maglabas ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa yaman ni former presidential spokesperson Harry Roque na pinaniniwalaang protektor ng mga sinalakay na POGO hubs sa mga lalawigan ng Tarlac at Pampanga.
Sa progress report ng quad committee ng Kamara, idinetalye ang mga patunay ng kaugnayan ni Roque sa illegal POGO operation.
Gayunpaman, hindi kasama ang pangalan ng dating tagapagsalita ng Palasyo sa talaan ng mga opisyales na nirekomendang sampahan ng kasong “crimes against humanity” bunsod ng sistematikong pamamaslang sa hindi bababa sa 30,000 suspek at sibilyan sa kasagsagan ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Paglilinaw ng quad comm, hindi nangangahulugang lusot si Roque. Anang komite, magpapatuloy ang imbestigasyon ng Kamara para kumalap ng dagdag-ebidensya sa koneksyon ng abogadong kaalyado ni Duterte, sa operasyon ng Lucky South 99, Whirlwind Corp. at iba pang offshore gaming hubs.
“Criminal investigation should also be commenced to inquire into the extent of his involvement in the operation of Lucky South 99 and Whirlwind Corp., among others.”
“Accordingly, Amla should initiate an investigation on the acquisition of his assets. Thereafter, a freeze order over the assets owned by [Roque] should be applied for provided it is shown that they are materially linked, relates to, or involves predicate offenses defined in the Anti-Money Laundering Act of 2001,” saad sa 51-pahinang progress report ng quad comm.
Partikulaqr na binanggit sa progress report ang biglang paglaki ng yaman ni Roque – tumataginting na P125 milyon noong 2018 mula sa P126,000 na idineklara noong 2016.
Sa pagbubukas ng quad comm investigation, ibinahagi ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chairman Al Tengco na personal na nagtungo sa kanyang tanggapan si Roque kasama si Whirlwind Corp. incorporator Cassandra Ong para “arborin” ang naturang kumpanya.
Panawagan ng quad comm sa mga kinauukulan ahensya, ibalik sa Pilipinas si Roque at asawang si Myla na tumakas palabas ng bansa. Kapwa may warrant of arrest ang mag-asawang Roque.
Target din ni quad comm lead chairman Surigao Rep. Robert Ace Barbers talupan ang Bureau of Immigration dahil sa pagtakas ni Roque.
