TAPOS na ang 20 araw na panahong kalakip ng freeze order sa yaman ng kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), subalit di pa rin niya pwedeng galawin alinman sa kanyang mga bank accounts, ayon sa Anti-Money Laundering Council.
Ang dahilan – pinalawig ng Court of Appeals (CA) ang freeze order hanggang Pebrero ng susunod na taon.
Kabilang sa mga tinukoy na pasok sa freeze order ang 10 bank accounts, 7 real properties, 5 motor vehicles at private jet ni Pastor Apollo Quiboloy.
Una nang kinatigan ng CA ang petisyong inihain ng AMLC laban sa ari-arian ni Quiboloy at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) gayundin ang bank account ng Swara Sug Media Corporation na nag-ooperate ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Partikular na tinukoy ng CA ang limpak-limpak na foreign donation natanggap ni Quiboloy na nahaharap sa kasong trafficking at child and sexual abuse sa Estados Unidos.
Sa pagsusuri ng AMLC, nabisto ang limpak-limpak na perang nakadeposito sa bangko ng mga KOJC official, gayundin ang bank record ng withdrawal at remittance transactions.
