KASABAY ng pagsasara ng mga offshore gaming companies, kumapit sa kalakalan ng droga ang tatlong Chinese nationals na nadakip sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ng Pasay.
Sa ulat ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG), tinatayang higit pa sa P8 milyon ang halaga ng drogang nasamsam mula sa 26-anyos na Chinese national sa buy-bust operation sa Pasay City kagabi.
Batay sa imbentaryo, 546 gramo ng shabu (katumbas ng P7.6 milyon) at 114 gramo ng ketamine ang nakuha sa hindi pinangalanang dayuhan.
Sumunod naman kinalaboso ang mag-asawang Chinese nationals sa Barangay Don Bosco sa nasabi ring lungsod bandang alas-11:30 nang gabi. Narekober sa mga suspek ang 100 gramo ng shabu (katumbas ng P500,000).
Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang tatlong Chinese nationals.
