SA halip na atasan ang mga rice importer na unahin bilhin ang mga palay na ani ng mga lokal na magsasaka, isinusulong ng Department of Agriculture (DA)ang isang kakaibang diskarte para patatagin ang presyo ng bigas sa merkado.
Pag-amin ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel, isa sa posibleng isulong ng pamahalaan ang bigyan ng pahintulot ang Food Terminal Inc. (FTI) na umangkat na rin ng bigas mula sa ibang bansa. Pasok sa kategorya ng government-owned and controlled corporation ang FTI.
Paliwanag ni Laurel, direktang tatapatan ng gobyerno ang mga pribadong rice importer sa pagbili ng bigas mula sa ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na pinag-aaralan pa ng Legal Division ng kagawaran ang naturang plano kung akma sa mga probisyon ng Price Act na naglalayong parusahan ang mga negosyanteng sangkot sa profiteering.
Una nang sinabi ni Laurel na maaaring gamitin ng pamahalaan ang food security emergency sa ilalim ng inamiyendahang Rice Tariffication Law kung saan ay papayagan ang National Food Authority (NFA) na ilabas ang mga nakaimbak na bigas para patatagin ang presyo ng naturang produkto sa mga pamilihan.
Sa kabila ng tapyas-taripa (15 percent mula sa dating 35 porsyento), nanatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Mungkahi pa ni Laurel sa Bureau of Internal Revenue (BIR), silipin ang financial records ng mga rice traders para alamin kung tumatalima ang mga naturang negosyante sa fair pricing practices.
Hiniling din niya sa Department of Trade and Industry (DTI) ang masusing monitoring sa presyo ng bigas sa mga palengke at grocery.
