
SA pagpapatuloy ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng sinalakay na scam farm sa Porac, Pampanga, unti-unting natutukoy ang mga personalidad na pinaniniwalaang sangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) operations.
Sa ulat na unang lumabas sa Rappler, nakalahad sa mga dokumentong nasamsam ng Presidential Anti-Organized Corruption Commission (PAOCC) ang pangalan ni former Presidential Spokesperson Harry Roque na nakatalang “legal representative” ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated.
Sa naturang dokumento, natukoy din ang Presidente, Corporate Secretary at miyembro ng Board of Directors ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated. Sa baba ng mga naturang posisyon naman ang espasyo kung saan nakatala ang pangalan ni Roque bilang legal counsel kasama ang iba pang hindi pinangalanang abogado.
Una nang itinanggi ng dating tagapagsalita ni former President Rodrigo Duterte ang anumang kaugnayan sa sinalakay na POGO hub.
“No idea why, not aware of that chart,” wika ni Roque sa isang text message sa Rappler.
Gayunpaman, inamin ni Roque na siya ang tumatayong abogado ng Whirlwind Corporation na nangungupahan sa isa sa 26 na gusali sa loob ng 10-ektaryang compound sa Porac.
Ayon kay Roque, Oktubre 2023 nang tanggapin niya ang alok ng Whirlwind Corporation matapos matalo sa ejectment case na dininig ng husgado. Katunayan aniya, nakatakda nang isinampa sa Korte Suprema ang naturang usapin.
“We lost in the Court of Appeals and we will go to the Supreme Court if denied,” dugtong ni Roque.
Sa pagsusuri ng PAOCC, lumalabas na iisa ang presidente ng Whirlwind at Lucky South 99 – isang nagngangalang Cassy Ong na di umano’y kumuha kay Roque bilang abogado.
“I have no engagement with Lucky South 99 other than it is a lessee of Whirlwind,” aniya pa.