Ni Jam Navales
PARA sa isang kongresista, hindi angkop ang pansamantalang programa, kasabay ng giit para sa isang solusyong pangmatagalan laban sa laganap na kahirapan.
Bagamat kumbinsido sa kabutihang dulot ng Kadiwa ng Pangulo, naniniwala si Agri partylist Rep. Wilbert Lee na lubhang kapos ang bilang ng mga sangay ng nasabing programa – kaya naman ang panawagan ng mambabatas, mas maraming Kadiwa stores sa iba’t ibang panig ng bansa lalo pa’t patuloy aniya ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Base sa isang survey, siyam sa bawat 10 Pilipino ang nagsabing mas malaki na ang kanilang ginagastos ngayon sa pagbili pagkain.
Maging ang mga retailers nagsabi rin aniyang kapos na supply ang punong dahilan sa likod ng patuloy na pagsipa ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilihan – bagay na aniya’y nagtutulak sa mas mahal na bentahan.
“Naiintindihan natin na wala ring magawa ang ating retailers kundi magtaas ng presyo dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo,” wika ni Lee.
Gayunpaman, naniniwala ang Bicolano lawmaker mas mainam na alternatibo kontra sa mahal na bilihin sa merkado ang pagpaparami ng mga sangay ng Kadiwa kung saan aniya mas mura ng mula 10 hanggang 20 porsyento ang presyo ng mga binebentang produkto.
Giit pa ng kongresista, pinakamainam na solusyon para makabili ng produktong pagkain sa murang halaga ang mga mamamayang Pilipino ay paglalagay ng mga Kadiwa store sa bawat bayan o lungsod.
“If successfully rolled out in every city and municipality, these agri-food terminals and centers will serve as a place where local farmers and fisherfolk can sell their produced goods directly to consumers and the general market,” pagtatapos ni Lee.