KUMPYANSA si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na tuluyang malalantad sa publiko ang tagong-yaman ni Vice President Sara Duterte sa sandaling repasuhin ang income tax returns (ITR) ng pangalawang pangulo.
“Kasi ipagbabangga mo lahat yan, iyong SALN, yung AMLC, yung SEC, saka yung BIR. This will strengthen lalo, iyung allegation ng ill-gotten wealth,” wika ni Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability,
“Kung nakita dun (sa ITRs) na mababa lang ‘yung mga binabayaran mong income tax, hindi nagma-match dun sa pumapasok sa transaction na bilyon-bilyon, saan mo nakuha ‘yung bilyong-bilyong transaction?,” dagdag ng kongresista.
Sa huling clarificatory hearing ng Justice committee hinggil sa impeachment complaints laban sa bise-presidente, nagpasya lupon na huwag galawin ang tax records na isinumite ng BIR sa nasabing komite.
Sa halip, nagdesisyon ng naturang komite na kanila itatabi muna ito at saka na lamang ibibigay sa Senado kapag umusad na ang pormal na impeachment trial.
Ayon kay Chua, sa tax records malalaman kung magkano ang binayarang buwis ng mag-asawa batay sa idineklarang annual income, na kung hindi tutugma sa iniulat ng AMLC na P6.77 billion “covered and suspicious inflow and outflow transactions,” gayundin sa SALN at maging sa financial statement na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC) ng mga idineklarang kumpanya ay masasabi umanong totoo ang akusasyon na may tagong yaman ang mag-asawa.
Paalala ni Chua, sa record ng SEC, karamihan sa mga negosyo ng mag-asawa ay nagdeklara ng maliit lamang na kita, habang may iba na nag-ulat ng pagkalugi.
