Ni ESTONG REYES
SA gitna ng malawakang agri-smuggling na naglugmok sa hanay ng mga magsasaka, dapat lang silipin ng Senado ang implementasyon ng Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law.
Sa isang resolusyon, iminungkahi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang mga kapwa mambabatas na isulong ang imbestigasyon na tutukoy sa punong dahilan at salarin sa likod ng mga suliranin sa malawakang operasyon ng mga smuggling syndicate na pahirap sa lokal na magsasaka.
“Pero dapat makabuluhan ang imbestigasyon… dapat evidence-based, consultative and comprehensive,” wika ni Hontiveros.
Target din ng senador mabatid kung epektibo ang Rice Tariffication Law.
“To facilitate the conduct of this review, preliminary investigations are needed to determine its scope and identify other important standards for its effectiveness in addition to the primary benchmark of farmers’ income stated in the IRR (implementing rules and regulations),” saad sa isang bahagi ng resolusyong inihain ni Hontiveros.
“These investigations will also aid in enhancing the implementation of the RTL in the period remaining till its expiration in 2025,” aniya pa.
Sa ilalim ng RTL, naging liberal ang importasyon, pagluluwas at pangangalakal ng bigas sa pamamagitan ng pag-alis ng quantitative import restrictions sa butil – bukod pa sa paglikha ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na pinaglalaanan ng P10 bilyon kada taon.
Bagamat kumbinsido si Hontiveros na mabuti ang intensyon ng Rice Tariffication Law, palaisipan naman sa senador kung bakit mas lumawak pa ang rice smuggling na nagsadlak sa kabuhayyan ng mga magsasaka.
Katunayan aniya, pumalo sa P7.2 bilyon ang nalugi sa sektor ng magbubukid nakaraang taon dahil na rin sa aniya’t undervaluation at misdeclaration ng mga negosyanteng umaangkat ng bigas sa ibang bansa.
Binanggit din ng senador ang 2021 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na nagsasabing tanging 14 percent ng tinatayang 10 million farmers at mangingisda ang nakarehistro sa Registry of Basic Sectors in Agriculture at pito sa sampung magsasaka ang walang sariling bank account.
“Be it further resolved that this process be consultative, and engage with rice stakeholders, listening to business models, and considering diverse procurement approaches to ensure the RTL fulfills its objectives of enhancing the competitiveness of the rice sector and ensuring food security for the nation.”
