
PARA sa nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isang malaking sindikato ang nasa likod ng panloloko sa mga pobreng Pilipinong tumataya sa larong lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Senador Imee Marcos, hindi na dapat palampasin pa ang aniya’y garapalang panloloko sa mga Pilipinong hangad lamang aniya ay makaahon sa kahirapan.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang di umano’y kataka-takang pagtama sa lotto – kabilang ang sabayang panalo ng 433 katao sa Grand Lotto Draw noong Oktubre 2022 kunsaan pumalo sa P236 milyon ang premyo.
Sa nasabing pagbola, lumabas ang winning combination na 09-45-36-27-18-54 – na ayon sa mga matematiko sa pawang “divisible ng 9” – bagay na imposibleng mangyari umano, sabi ng senadora.
“Talaga namang mathematically improbable, lahat (divisible by) 9. Hindi naman pwedeng mangyari iyon kahit anong mathematic sa algorithm at statistics. Talagang impossible, mathematically impossible,” diin pa niya.
“Sobrang lokohan na ito.”
Dapat aniyang ipabatid sa mga nasa likod ng panloloko ang pawang maralita ang ninanakawan sa tuwing “inaareglo” ang panalo sa lotto.
“Marami sa mga tumataya mahihirap… sa pag-asang makakaahon sila sa kahirapan pati pambili ng pagkain naitataya nila. Ang kahuli-hulihang pangarap na makaahon at magkapera eh kukunin pa rin sa panloloko. Bakit naman tayo papayag nang ganyan?” patutsada ni Sen. Marcos.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Marcos sa isinusulong na imbestigasyon ng kapwa mambabatas na si Sen. Raffy Tulfo.