
“MARAMI tayong mga problema sa ating bansa, dapat unahin po natin muna natin yan bigyan ng solusyon.”
Ito ang tahasang tugon ni House Speaker Faustino Dy III sa banta ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga na napipintong paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng DZMM Gising Pilipinas program nina Alvin Elchico at Doris Bigornia, mariin ding ipinahayag ng House Speaker ang pagsasantabi sa isinusulong ng bagitong kongresista — ang malaglag sa Palasyo si Marcos.
Para kay Dy, malabong umusad sa Kamara ang naturang reklamo laban sa Punong Ehekutibo dahil sa daming mas mahalagang bagay na mas kailangan pagtuunan ng pansin.
“Wala pa naman po kaming natatanggap (impeachment complaint). Pero alam niyo, marami po tayong mga dapat asikasuhin,” ayon pa kay Speaker Dy.
Aminado naman ang lider ng Kamara na wala siyang anumang nabalitaan sa nasabing plano ng neophyte Cavite lawmaker kontra kay Presidente Marcos. (ROMER R. BUTUYAN)