
Sa panahong madalas sinusukat ang pamumuno sa ingay at pasikat, bukod-tangi si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa katahimikan at paninindigan.
Bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), mas pinili ni Nartatez gawin ang tama nang walang ingay — katangiang angkop para sa isang tunay na lider, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, kasabay ng giit na ang tunay na sukatan ng pamumuno ay nasa gawa, disiplina, at tapat na paglilingkod.
Ayon Goitia, si Nartatez ay “isang lider na ibinabalik ang dangal sa serbisyo publiko—tahimik pero matatag.” Dagdag pa niya, “Sa panahon na marami ang nagpapakita lang ng imahe, si General Nartatez ay namumuno sa pamamagitan ng integridad.”
TIBAY NG LIDERATO
Mula nang italaga sa pwesto, pinamunuan ni Nartatez ang PNP sa mahinahon pero matatag na paraan. Isa sa una niyang direktiba ang masusing internal audit ng mga yunit at muling pagsusuri sa mga posisyon sa hanay ng kapulisan upang matiyak na tama at patas ang operasyon sa lahat ng antas.
Sa mga unang linggo pa lang, nakita na ng marami kung paano niya isinasabuhay ang disiplina at pananagutan. Ayon sa mga nakaka trabaho niya, isa siyang lider na nakikinig bago kumilos at laging may prinsipyo sa bawat desisyon. Hindi siya kailangang sumigaw para marinig — sapat na ang kanyang halimbawa.
Sabi ni Goitia, “Ang ganitong klaseng pamumuno—kalma, disiplinado, at patas—ang nagbabalik ng tiwala, hindi lang sa organisasyon kundi sa publiko.”
LIKAS NA TAPAT
Nagtapos si Nartatez sa Philippine Military Academy Tanglaw Diwa Class of 1992, at mula noon, tapat na niyang isinabuhay ang serbisyo na may integridad. Hinawakan niya ang ilang mahahalagang posisyon sa PNP gaya ng Director for Intelligence, Director for Comptrollership, at Regional Director ng NCRPO at PRO 4A, bago itinalaga bilang Deputy Chief for Administration.
Ang lawak ng kanyang karanasan ang nagpatibay sa kanyang istilo ng pamumuno: maingat pero matatag, kalmado pero malinaw sa direksyon. Para sa kanya, ang integridad ay hindi sinasabi lang — ito ay ginagawa araw-araw.
Ayon kay Goitia, “Ang integridad ay hindi pinapangako, kundi ipinapakita. Iyan mismo ang nakikita natin sa liderato ni Nartatez.”
TIWALA SA KAPULISAN
Alam ni Nartatez na ang tiwala ng mamamayan ay hindi hinihingi kundi pinapatunayan. Kaya sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinikap ng PNP na maging mas bukas sa operasyon, mapanatili ang disiplina, at mas mapalapit sa mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Para sa kanya, ang tsapa ng pulis ay hindi simbolo ng kapangyarihan kundi pangako ng serbisyo. Sa bawat aksyon at desisyon, ipinaaalala niya na tungkulin ng pulisya ang protektahan, hindi takutin, ang publiko.
Pinuri ito ni Goitia: “Ang tiwala ng tao ay hindi nakukuha sa ingay o sa porma. Nakukuha ito sa tahimik pero tuloy-tuloy na paggawa ng tama — at iyon mismo ang ginagawa ni Nartatez.”
RESULTA, WAG DADA
Bilang kasalukuyang hepe ng PNP, tinatamasa ni Nartatez ang buong tiwala nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng National Police Commission (NAPOLCOM). Sa kabila ng bigat ng tungkulin, nananatili siyang mapagkumbaba at inuuna palagi ang institusyon kaysa sa sarili.
Kamakailan, nakita ang tatag ng kanyang pamumuno sa maayos na paghawak ng anti-corruption rallies noong Setyembre 21. Payapa ang mga kilos-protesta, at malaya ang mamamayan na maipahayag ang kanilang saloobin. Pinatibay din niya na walang “quota arrest” sa PNP, dahil para sa kanya, ang hustisya ay hindi nasusukat sa dami ng nahuhuli kundi sa pagiging patas ng proseso.
Malugod din niyang tinanggap ang pagkilala sa Pilipinas bilang Tier 1 sa United States Trafficking in Persons Report, isang patunay sa epektibong laban ng bansa sa human trafficking — isang adbokasiyang pangungunahan pa niya.
Para kay Goitia, ang mga tagumpay na ito ay pruweba ng epektibong pamumuno. “Hindi kailangang mag-ingay para makita ang resulta. Sa katahimikan, lumilitaw ang mga tunay na lider na may malasakit at direksyon,” aniya.
TAWAG NG PANAHON
Si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ay larawan ng isang lider na muling nagbabalik ng tiwala ng mamamayan. Isang lider na tapat, disiplinado, at may puso. Hindi niya kailangan ng slogan o kampanya — sapat na ang kanyang gawa.
Sa panahon na unti-unting nababawasan ang tiwala ng publiko sa mga institusyon, pinapaalala ni Nartatez na may mga lider pa ring matuwid at tapat sa tungkulin.
Sabi ni Goitia, “Ang tahimik na pamumuno ni Nartatez ay hindi kahinaan kundi lakas na ginagabayan ng konsensya. Sa mga panahong kulang ang tiwala, ganitong klaseng liderato ang nagbibigay ng pag-asa.”
Sa kanyang pamumuno, malinaw na ang tunay na lakas ay hindi sa ingay, kundi sa araw-araw na pagsasabuhay ng integridad at pananagutan sa sinumpaang tungkulin. (MARISSA SON)