Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa mga miyembro ng Kamara de Representantes, hindi sapat ang P100 legislated wage hike na pinagtibay ng Senado.
Sa bersyon ng Kamara, target isulong ang bonggang dagdag-sahod na maglalaro sa pagitan ng P150 hanggang P350 kada araw na umento sa hanay ng mga minimum wage earners.
Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, bilang tinig ng mamamayan sa Kongreso ay kinikilala nila ang saloobin ng mga manggagawa – dagok ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pagbaba ng halaga ng tinatanggap na sahod.
“Our workers are enduring tough times, and as their representatives, it is imperative that we find substantial solutions to alleviate their financial burdens,” sabi pa ng House majority leader.
Ani Dalipe, sa direktiba na rin ni Speaker Martin Romualdez ay masusing pag-aralan at pagsusulong ng epektibong paraan kung paano mapalaki ang take-home pay ng mga manggagawa, partikular sa pagsasabatas ng umento sa sahod at pagbabago sa mekanismo ng regional wage board.
Kaya naman nakahanda aniya ang House Committee on Labor and Employment na gawing prayoridad ang pagsusuri sa mga nakabinbin panukala sa umento, kabilang ang hirit na P150 across-the-board wage increase ni Deputy Speaker Raymund Mendoza.
“The urgency of these discussions highlights the House’s dedication to timely and impactful legislative action,” paglalahad pa ni Dalipe.
Sinabi ng Zamboanga City lawmaker na naniniwala rin ang mga mambabatas sa Kamara na ang inaprubahan panukala ng Senado na P100 pagtaas ng sahod ay hindi sapat sa mga pangangailangan ng mga manggagawa.
Binigyan-diin niya na hinahangad ng mga kongresista ng Mababang Kapulungan ang mas mataas na umento, kaya’t iminumungkahi ang pagsasabatas ng pay increase sa pagitan ng P150 hanggang P350 kada araw na aniya’y mas angkop sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
“While any increase is a step in the right direction, we must ensure that our legislative actions truly make a meaningful difference in the lives of our workers, particularly when considering the substantial challenges faced by the business sector, especially micro, small, and medium-sized enterprises,” paliwanag ng kongresista.
Binigyan-diin ni Dalipe ang kahalagahan na mabalanse ang pangangailangan ng mga manggagawa at ang katatagan ng mga negosyo lalo at malaking bahagi ng ekonomiya ang binubuo ng MSMEs.
Dagdag niya, mahalaga rin magkaroon ng komprehensibong konsultasyon sa lahat ng stakeholders upang matiyak na ang pagbibigay ng umento sa sahod ay mapapakinabangan at may pangmatagalang paghuhugutan.
“The Congress is not just about passing laws quickly without thorough consideration. We are committed to enacting legislation that is both practical and beneficial for the long term,” diin ni Dalipe.
Samantala, iginiit din ni Dalipe ang pangangailangan na magkaroon ng mas malawak na pagtanaw sa pagpapabuti ng ekonomiya sa pamamagitan ng pag-iimbita ng mga dayuhang mamumuhunan.
“Opening the Philippine economy to foreign investors can lead to greater economic vitality, better jobs, and higher wages for our people.”
