
MISTULANG kinalampag ni Senador Joel Villanueva ang Mababang Kapulungan na tuluyan nang pagtibayin ang panukalang pagtataas ng arawang sahod ng manggagawa sa halagang P100 kada araw.
Ipinanawagan ito ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor and employment dalawang araw bago ipagdiwang ang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.
Nakabakasyon ang Kongreso upang bigyang daan ang halalan at magbabalik ang sesyon sa June 2.
“Hinihintay po natin ‘yung pagpasa ng Kamara. Inaasahan din po natin at inaapela sa ating mga counterpart sa Kamara de Representantes na ipasa din po ito,” ani Villanueva sa Kapihan sa Senado forum.
“Nang sa ganon maibsan ‘yung kalunos-lunos na situation ng ating manggagawa na talaga namang napakahirap… Mas mabilis ‘yung taas ng bilihin kaysa sa pagtaas ng kanilang sweldo,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Villanueva na kahit tinutupad ng Regional Wage Board ang mandato nito sa pagtataas n gsahod, ngunit kulang ang kinikita ng manggagawa upang matawag itong disenteng kita.
“Sabi nga sa isang pelikula… tinimbang ka ngunit kulang. Parang kulang na kulang pa rin talaga. So what’s 100 pesos daily wage increase?” ani Villanueva.
Binanggit din ng senador ang ilang panukalang batas na nakabinbin ngayon sa Senado na magdedetermina sa pamantayan hinggil sa living wage.
Inaprubahan sa Kamara ang P200 wage hike bill sa komite bago magbakasyon ang Kongreso nitong Pebrero. Pinagtibay naman ng Senado ang sariling bersiyon nito nag P100 wage hike. (ESTONG REYES)