SA Senado okey lang pero sa Kamara dedma? Hindi naman pwede yan, ayon sa isang kongresista, kasabay ng bantang hindi palalampasin ang kawalan ng respeto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Partikular na tinuligsa ni House Committee on Public Order and Safety chairperson at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang napabalitang kahandaan ni former President Rodrigo Duterte humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes, Oktubre 28.
Ayon kay Fernandez, isang hayagang pambabastos sa quad committee kung hindi lulutang ang dating pangulo sa kahalintulad ng pagdinig ng Kamara de Representantes.
“That’s unfair. I mean it’s not right anymore… medyo sampal sa Kongreso yan. If the President will appear sa Senate, then sa aming invitation he will not, masyado naman atang choosy. So we have to also act accordingly. Kasi ano na yan, frontal na binabastos na ang Kongreso,” dagdag pa nito.
Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig ng quad committee noong Oktubre 22 bunsod ng masamang pakiramdam, batay sa liham ni Atty. Martin Delgra na tumatayong abogado ng dating pangulo.
“We will try to ask him and to explain why sa Senate lang, but sa Congress hindi. Bakit parang pag sa amin ayaw sa kanila pwede. Well karapatan ng Presidente yan but he needs to explain sa atin anong reason,” ani ni Fernandez.
Nilikha ng pamunuan ng Kamara ang quad comm para imbestigahan ang koneksyon ng illegal POGO sa bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings noong nakaraang administrasyon.
