NI ESTONG REYES
HINDI man pinagbigyan ang hirit na pangasiwaan ang mga pagdinig, nagpahayag ng pananabik si Senador Ronald dela Rosa sa aniya’y nalalapit na araw ng pagharap ng mga taong nagdiin sa kanya sa imbestigasyon ng Kamara sa madugong giyera kontra droga.
Kabilang sa mga inaasahang dadalo sa unang araw ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at maging si dating Senator Leila de Lima.
Ayon kay dela Rosa, handang-handa na siya sa imbestigasyon ng Senado sa Lunes, Oktubre 28, kasabay ng pangakong hindi tatakutin ang mga inanyayahan resource persons na di umano’y kumaladkad sa kanyang pangalan s malawakang patayan at reward system sa kampanya laban sa kalakalan ng droga.
“The public deserves to know the truth. It’s just watch and learn this Monday. Malaman nyo yan kung paano natin palabasin ang katotohanan,” wika ni dela Rosa.
Aniya, deretsahan ang gagawing pagtatanong sa mga resource persons sa hangaring palutangin ang katotohanan.
“I will not be extra careful as far as the truth is concerned. I don’t care kung sino masasaktan sa aking pananalita. Basta ang habol ko lang dito sa katotohanan, lalabas ang katotohanan. I don’t care. I don’t care kung ano sabihin nila,” aniya.
“What is important? Hindi ako taong pa-cute cute hindi ako taong magpa-disente disente kasi nga umiiwas ng passing or what. Basta sa akin lalabas ang katotohanan. Prankahan tayo. Lalabas ang katotohanan. I will be frank and candid to everyone,” dugtong ng senador na nagsilbing director-general ng Philippine National Police (PNP) sa unang bahagi ng termino ni former President Rodrigo Duterte.
“Yes. No holds barred. Kasi mahirap na yung mag-iingat ka na magpapapogi ka, ayaw mong tawagin ka na ano, ano pang tatakot ka sa bashing at the expense of the truth. Hindi mo mapapalabas ang katotohanan dahil takot ka na sasama ang imahe mo sa publiko. That’s not me. That’s not me.”
