NI ESTONG REYES
SAKALING bigyan ng pagkakataon, handa si Senador Ronald dela Rosa pangunahan ang implementasyon ng isa pang madugong giyera kontra droga.
“No, no regrets [on my part]. If you are going to give me the chance to do it again, I will do it again. The same approach,” wika ni dela Rosa sa panayam ng mga peryodista.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), nasa 6,000 katao ang nasawi sa agresibong kampanya ng nakalipas na administrasyon laban sa mga grupo at indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Gayunpaman, nanindigan si dela Rosa na nagsilbing PNP director-general sa unang bahagi ng panunungkulan ni former President Rodrigo Duterte, na walang ibang paraan para manalo sa inilunsad na all-out-war laban sa tinawag niyang salot ng lipunan.
“You can’t fight a war, especially against the drug personalities, by being disente, by being pa-cute-cute. There’s no way you can win the battle, win the war against drugs with that. You have to be forceful enough to send your message down the spine of these criminals,” dugtong ni dela Rosa.
Nakatakdang sumipa sa Lunes ang pagdinig ng senate blue ribbon committee na inatasang mag-imbestiga sa giyera kontra droga ni Duterte.
Paandar pa ni dela Rosa, hindi niya kailangan paghandaan ang nalalapit na araw ng pagdinig.
“The truth is, andyan naman yung truth, hindi mo yung mapapalitan. I know the truth, kaya hindi nila ako pwedeng hindi nila ako pwedeng gawan-gawan ng istorya na kung ano-anong alegasyon na sinasabi nila,” sambit ng senador.
“Kailangan malaman natin yung katotohanan. And I’m not going to harass them. I’m not going to use my power as a member of that committee. I will just establish ko lang talaga yung katotohanan… Just observe on Monday. Basta, I am here to establish the truth.”
Una nang inginuso ni Police Colonel Jovie Espenido si dela Rosa na di umano’y nagbigay ng direktibang paslangin si Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog — at maging ang kanyang amang si former Albuera, Leyte Rolando Espinosa.
Taong 2016 nang patayin si Espinosa na noo’y nakapiit sa Bais City Jail, habang pinaslang naman si Parojinog at 14 na iba pa sa pagsalakay sa bahay ng target na pamilya.
“I am also offering myself as a resource person… They can interrogate me, they can interpellate me anytime they want,” aniya pa.
