SA hangarin pangalagaan ang kasaysayan, tradisyon at kultura ng bansa, isang panukalang batas ang inihain ni Senador Mark Villar.
Sa isang kalatas, nanindigan si Villar na napapanahon nang amyendahan ang Republic Act 10066 (National Cultural Heritage Act 2009). Target ng senador baguhin ang ilang bahagi ng naturang batas, kabilang ang “incentive framework” at “penal provision.”
Para kay Villar, higit na angkop tugunan ang mga pangmatagalang hamon na sumasaklaw sa pangangalaga ng pamana ng nakaraan.
Sakaling ganap na maging batas, matutugunan na aniya ang kakulangan sa pondo, limitadong suporta ng institusyon, pinsalang dulot ng kalikasan, gayundin ang mababang antas ng kaalaman ng mga mamamayan sa yaman ng kasaysayan.
Bagamat kinikilala ng mga umiiral na batas ang kahalagahan ng pag-iingat sa mga kultural na yaman, kailangan pa rin aniyang ang mas angkop pero praktikal na insentibo para sa tinawag niyang “sustainable protection and preservation.”
“Ang ating pagkakakilanlan ay malalim na nakaugat sa ating kultura at kasaysayan—na makikita sa ating mga palatandaan, makasaysayang lugar at istruktura. It is not enough to merely recognize their importance; we must also ensure that there is sufficient support and incentives for their proper use, maintenance, and preservation,” wika ng senador.
Tampok sa nasabing panukala ang pag-uuri ng mga ariing kultural sa mga kategorya batay sa “historical and cultural importance.”
Sa unang antas papasok ang mga pinakamahalagang lugar, kabilang ang mga pook-pamana ng mundo, pambansang kayamanang kultural, at opisyal na kinikilalang mga makasaysayang pook, dambana, at monumento.
Sa ilalim ng ikalawang antas naman ang mga obra ng mga Pambansang Alagad ng Sining at Manlilikha ng Bayan, mga materyales na arkeolohikal at etnograpiko, mga istruktura na hindi bababa sa 50 taong gulang, at mga dokumentong bahagi ng kasaysayan.
Pasok sa mungkahi ni Villar ang iba’t ibang “physical incentives” upang hikayatin ang pangangalaga, tulad ng tax exemption sa transfer of ownership, estate, capital gains, at documentary stamp taxes—gayundin sa usapin ng amilyar.
Isinusulong din ni Villar kilalanin bilang tax credit ang mga gastusin sa “conservation, restoration and preservation” para sa mga heritage at cultural sites.
Para sa mga ari-arian na saklaw ng ikatlong antas, papayagan ang mga lokal na pamahalaan magbigay ng mga exemption sa real property tax sa bisa ng isang ordinansang nagtataguyod ng mas kolektibong paglahok ng komunidad sa pangangalaga ng pamana.
Bahagi rin ng panukala ni Villar ang mas mabigat na parusa sa pagkasira, pagbabago, o maling paggamit ng mga kultural na ari-arian.
“Ang pangangalaga sa mga pamana ng ating lahi ay tungkulin nating lahat.” We should not let our historical treasures be destroyed or completely forgotten. Through stronger laws and support from the private sector, we can preserve our history for the next generation,” aniya pa.
Umaasa naman si Villar na uusad ng panukalang magbabalik-sigla sa turismo sa bansa.
