IGINIIT ni reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na mas mahalagang mabigyan ng kapanatagan ang mga mamamayan partikular sa kaligtasan ng mga ito, sa halip na ipagwagwagan ng pambansang pulisya ang diumano’y bumababang bilang ng krimen sa bansa.
“Regardless of what figures are you going to show to the public, what is the most important to know is the public perception, how does the public feel as far as safety and security is concerned,” mariing sabi pa ni Dela Rosa.
Inilabas ang pahayag bilang reaksyon ng Mindanaoan lawmaker sa ulat na bumaba ng 18.4 percent ang crime rate sa unang quarter ng 2025.
Payo ni Dela Rosa, na nagsilbing chief ng Philippine National Police (PNP), dapat bumaba o direktang kunin ng pamahalaan ang pananaw ng mga mamamayan hinggil sa peace and order sa komunidad ng mga ito.
“Tanungin mo mga tao. If they feel safe right now with the current situation, then they will give you the direct answer,” sabi pa ng senador.
“Mahirap yung mga puro ka lang figures pero ang mga tao ay natatakot, ‘di ba? So dapat puntahan mo ‘yung mga tao, tanungin mo. Do they feel safe. So if safe, then okay. That’s good,” dagdag ng re-electionist lawmaker.
Pagbibigay-diin ni Dela Rosa, balewala ang numerong pinangangalandakan ng PNP kung patuloy na nakararamdam ng takot o nangangamba sa kanilang kaligtasan ang mga mamamayan kahit mismo sa kanilang lugar.
